Hindi mabilang na butil ng mga ginintuang buhangin ang ikinalat sa paraiso. Ngunit may apat na natatanging bato ang ikinalat sa iba’t ibang panig. Ang dalawa, maliit ma’y tila talang kumukurap sa tuwing nadaplian ng araw. Ang natitira’y binalot sa maitim na granatikong nagtatago sa tunay na anyo ng mumunting bato. Buong buhay nila’y nilukob ng kadiliman, natagpuan nila ang sariling kislap sa piling ng isa’t isa. Magkatulad man ang hulma ng dalawang batong ito, sa kaibuturan ay may ibang katauhan na kapag nasulyapan, tayo’y mabubulag sa taglay na kakislapan.
Kuha ni ~cforsythe
Mula sa burak ay nahulma si Eda. Pikit ang mga mata, lumaki siya sa katotohanang siya’y kakaiba mula sa mga kapatid niya na may iisang pangalan, Eva. Sumibol sila na mayroon iisang paniniwala, mayroon lamang dalawang kasarian, ang babae at ang lalaki. Ang mga kapatid niya’y magkakaparehas ang pangalan, Eva at Adan ngunit may mga katulad siyang bata pa lang ay tinatawag na ng Eda at ang iba’y Avan ngunit ang iba naman ay nagbabago ng pangalan nang sila ay lumaki na. Malaki ang takot ni Eda sa mundo dahil minsa’y hindi siya tanggap ng kaniyang mga kapwa. Dumating ang araw na siya’y umibig ngunit ang inibig niya’y ang kanyang kapatid, si Eva. Si Eva, buo man ang pagkatao’y ibinalik ang nararamdaman ni Eda at dito nagsimula ang mga suntok ng buhay na itinapon sa kanilang harapan.
Bakit nga ba bulag tayo sa mga pagdurusa ni Eva at Eda? Ni Avan at ni Adan?
Sa bawat sampung babae/lalaki, dalawa sa kanila ang nagtataglay ng isang pang mukha. Naging isang malaking problema na ang pag-iisang dibdib ng dalawang Eva o Adan. Marami ang mga hindi sumasang-ayon dahil raw sa labag ito, hindi lang sa batas ng tao kundi sa batas ng Diyos. Isinaad sa Bibliya na mayroon lamang dalawang kasarian. Batid ko na walang tao na matatawag nating bakla o tomboy. Sa panglabas mang kaanyuan, sila’y babae o lalaki, dapat nating malaman na ang puso’t isip nila ay sa pangkabilang kasarian.
Karamihan sa atin ay mayroong piring sa mga mata at may kamay sa tainga. Hindi nila Makita, hindi nila marinig ang daing ng ating mga kapwa na minsan na nating kinamuhian, tinaboy at hindi kinilala. Sa pagsasama ng dalawang ito, lalong narinig ang boses ng lipunan, ang kanilang sigaw na ito ay mali , hindi tama. Ngunit mas lumakas din naman ang iyak ng paghihinagpis ni Eda at ang kanyang mga katulad. Sa pagkakataong ito, samahan natin silang lumaban. Ibigay natin ang ating mga kamay sa kanila dahil dapat nating imulat ang ating mga mata sa katotohanan na hindi sila naiiba.
Siguro nga’y marami ang nandidiri sa pagtatali ng dalawang taong magkaparehas ang kasarian. Milyun-milyon ang nagpoprotesta dahil sa kadahilanang mali ang kanilang paniniwala. Dahil dito, masasabi kong, mas masahol pa tayo sa mga hayop. Hindi pumasok sa ating isipan na ang mga pagtataboy at pagkamuhi natin sa kanila ang nagtutulak upang hanapin ang pagmamahal at pag-intindi sa kanilang kapwa lalaki o babae.
Minsan, darating ang araw, makagagawa rin sila ng sarili nilang paraiso. Patuloy silang tatayo at ipaglalaban nila ang kanilang mga paniniwala at nararamdaman at tayo, bilang kanilang kapwa, muli nating iabot ang ating mga kamay, ipahiram natin sa kanila ang ating pang-uunawa.
Sinabi ng Diyos na mayroon lamang dalawang kasarian, ang babae at ang lalaki. Wala sa ating naiiba, walang tao ang hindi babae o lalaki dahil magkakatulad man sa panlabas na anyo, alam ko na ang puso't isip nila'y hinubog ng Diyos upang magkaroon ng isa pang mukha. At ang mukhang ito ni Eda, kamuhian man ng tao ay 'di rin naiiba sa atin.
Ito ang tanikala natin sa katotohan. Ang katotohanan kung saan lahat tayo'y nagmula sa iisang burak lamang.
Kuha ni Chelsea Arrunda